الأعلى
The Most High • 19 ayahs • Meccan
بِسْمِ ٱللَّهِ ٱلرَّحْمَٰنِ ٱلرَّحِيمِ
1Magluwalhati ka sa ngalan ng Panginoon mo, ang Pinakamataas,
2na lumikha saka humubog,
3na nagtakda saka nagpatnubay,
4na nagpalabas ng pastulan,
5saka gumawa Siya rito na yagit na nangingitim.
6Magpapabigkas Kami sa iyo[1] kaya hindi ka makalilimot,
7maliban sa niloob ni Allāh. Tunay na Siya ay nakaaalam sa lantad at anumang nagkukubli.
8Magpapadali Kami sa iyo para sa pinakamadali.
9Kaya magpaalaala ka kung mapakikinabangan ang paalaala.
10Magsasaalaala ang sinumang natatakot [kay Allāh]
11at umiiwas dito ang pinakamalumbay,
12na masusunog sa Apoy na pinakamalaki.
13Pagkatapos hindi siya mamamatay roon at hindi mabubuhay.
14Nagtagumpay nga ang sinumang nagpakabusilak [mula sa kasamaan]
15at bumanggit sa ngalan ng Panginoon niya saka nagdasal.
16Bagkus nagtatangi kayo ng buhay na pangmundo
17samantalang ang Kabilang-buhay ay higit na mabuti at higit na nananatili.
18Tunay na ito ay talagang nasa mga unang kalatas,
19na mga kalatas nina Abraham at Moises.