يس
Ya-Sin • 83 ayahs • Meccan
بِسْمِ ٱللَّهِ ٱلرَّحْمَٰنِ ٱلرَّحِيمِ
1Yā. Sīn. [1]
2Sumpa man sa Qur’ān na marunong,
3tunay na ikaw ay talagang kabilang sa mga isinugo
4batay sa isang landasing tuwid,
5bilang pagbababa [ng Qur’ān] ng Makapangyarihan, Maawain,
6upang magbabala ka sa mga tao na hindi binalaan ang mga ninuno nila, kaya sila ay mga nalilingat.
7Talaga ngang nagkatotoo ang sabi [ng pagtatakda] sa higit na marami sa kanila, kaya sila ay hindi sumasampalataya.
8Tunay na Kami ay naglagay sa mga leeg nila ng mga kulyar saka ang mga ito ay hanggang sa mga baba nila, kaya sila ay mga pinatitingala.
9Naglagay Kami sa harapan nila ng isang sagabal at sa likuran nila ng isang sagabal, saka bumalot Kami sa kanila kaya sila ay hindi nakakikita.[2]
10Magkapantay sa kanila na nagbabala ka man sa kanila o hindi ka nagbabala sa kanila: hindi sila sumasampalataya.
11Makapagbabala ka lamang sa sinumang sumunod sa paalaala at natakot sa Napakamaawain nang nakalingid [sa pandama nila]. Kaya magbalita ka ng nakagagalak sa kanya hinggil sa isang kapatawaran at isang pabuyang marangal.
12Tunay na Kami ay nagbibigay-buhay sa mga patay at nagtatala ng anumang ipinauna nila at mga bakas nila [na maganda at masagwa]. Sa bawat bagay ay nag-isa-isa Kami sa isang talaang malinaw.
13Maglahad ka para sa kanila ng isang paghahalintulad [na kasaysayan] ng mga naninirahan sa pamayanan [ng Antioquia] noong dumating doon ang mga isinugo,
14noong nagsugo Kami sa kanila ng dalawa [sa mga apostol ni Jesus] ngunit nagpasinungaling sila sa kanilang dalawa kaya kinatigan Namin ng ikatlo, saka nagsabi sila: “Tunay na kami sa inyo ay mga isinugo.”
15Nagsabi ang mga iyon: “Walang iba kayo kundi mga taong tulad namin. Hindi nagpababa ang Napakamaawain ng anuman. Walang iba kayo kundi nagsisinungaling.”
16Nagsabi sila [sa mga tao ng pamayanan]: “Ang Panginoon namin ay nakaaalam na tunay na Kami sa inyo ay talagang mga isinugo.”
17Walang kailangan sa Amin kundi ang pagpapaabot na malinaw [ng mensahe ng Panginoon].
18Nagsabi ang mga iyon [sa mga apostol]: “Tunay na kami ay nag-ugnay ng kamalasan sa inyo. Talagang kung hindi kayo titigil ay talagang babato nga kami sa inyo at talagang may sasalingin nga sa inyo mula sa amin na isang pagdurusang masakit.”
19Nagsabi [ang mga apostol]: “Ang kamalasang inuugnay ninyo ay kasama sa inyo. Kung pinaalalahanan ba kayo, [mag-uugnay kayo ng kamalasan]? Bagkus kayo ay mga taong nagmamalabis.”
20May dumating mula sa pinakaliblib ng lungsod na isang lalaking[3] tumatakbo, na nagsabi: “O mga kababayan ko, sumunod kayo sa mga isinugo.
21Sumunod kayo sa mga hindi humihingi sa inyo ng isang pabuya at sila ay mga napapatnubayan.
22Ano ang mayroon sa akin na hindi ako sumasamba sa lumalang sa akin at tungo sa Kanya pababalikin kayo [para gantihan]?
23Gagawa ba ako ng bukod pa sa Kanya bilang mga diyos? Kung magnanais sa akin ang Napakamaawain ng isang pinsala ay hindi makapagsisilbi sa akin ang pamamagitan nila ng anuman at hindi sila makasasagip sa akin.
24Tunay na ako, samakatuwid, ay talagang nasa isang pagkaligaw na malinaw.
25Tunay na ako ay sumampalataya sa Panginoon ninyo, kaya makinig kayo sa akin.”[4]
26Sasabihin: “Pumasok ka sa paraiso.” Magsasabi siya: “O kung sana ang mga kababayan ko ay nakaaalam
27sa pagpapatawad sa akin ng Panginoon ko at paggawa Niya sa akin kabilang sa mga pinararangalan.”
28Hindi Kami nagpababa sa mga kababayan niya matapos na niya ng anumang mga hukbo [ng mga anghel] mula sa langit at hindi nangyaring Kami ay magpapababa.
29Walang iba iyon kundi nag-iisang hiyaw saka biglang sila ay mga nalipol.
30O isang panghihinayang sa mga lingkod [na tao at jinn]. Walang pumunta sa kanila na anumang sugo malibang sila dati ay nangungutya.
31Hindi ba sila nagsaalang-alang na kay rami ng ipinahamak Namin, bago nila, na mga [makasalanang] salinlahi – na ang mga [napahamak na] iyon sa kanila ay hindi babalik?
32Walang iba ang bawat isa kundi lahat sa harap Namin mga padadaluhin [para hatulan].
33Isang tanda para sa kanila ang lupang patay; nagbigay-buhay Kami rito at nagpalabas Kami mula rito ng mga butil, saka mula rito ay kumakain sila.
34Gumawa Kami rito ng mga hardin ng datiles at mga ubas at nagpabulwak Kami rito ng mga bukal
35upang kumain sila mula sa bunga nito. Hindi gumawa sa mga ito ang mga kamay nila. Kaya hindi ba sila magpapasalamat?
36Kaluwalhatian sa lumikha ng mga pares sa kabuuan ng mga ito mula sa mga pinatutubo ng lupa, mula sa mga sarili nila, at mula sa hindi nila nalalaman.
37Isang tanda para sa kanila ang gabi, habang nag-aalis Kami mula rito ng maghapon, kaya biglang sila ay mga napagdidiliman.
38Ang araw ay umiinog para sa isang pagtitigilan para rito. Iyon ay ang pagtatakda ng Makapangyarihan, Maalam.
39Ang buwan ay nagtakda Kami rito ng mga yugto hanggang sa nanumbalik ito gaya ng buwig na magulang.
40Ang araw ay hindi nararapat para rito na umabot sa buwan at ang gabi ay hindi mauuna sa maghapon. Lahat, sa ikutan, ay lumalangoy.
41Isang tanda para sa kanila na Kami ay nagdala sa mga supling nila sa daong na nilulanan [ni Noe].
42Lumikha Kami para sa kanila mula sa tulad niyon ng sinasakyan nila.
43Kung loloobin Namin ay lulunurin Namin sila saka walang [tutugon sa] pagtili para sa kanila ni sila ay sasagipin,
44maliban bilang awa mula sa Amin at bilang natatamasa hanggang sa isang panahon.
45Kapag sinabi sa kanila: “Mangilag kayo sa anumang nasa harapan ninyo at anumang nasa likuran ninyo, nang sa gayon kayo ay kaaawaan.”
46Walang pumupunta sa kanila na isang tanda kabilang sa mga tanda ng Panginoon nila malibang sila noon doon ay mga umaayaw.
47Kapag sinabi sa kanila: “Gumugol kayo [sa kawanggawa] mula sa itinustos sa inyo ni Allāh,” nagsasabi ang mga tumangging sumampalataya sa mga sumampalataya: “Magpapakain ba kami ng sinumang kung sakaling loloobin ni Allāh ay pinakain sana Niya? Walang iba kayo kundi nasa isang pagkaligaw na malinaw.”
48Nagsasabi sila: “Kailan ang pangakong ito [ng pagbuhay] kung kayo ay mga tapat?”
49Wala silang hinihintay kundi nag-iisang hiyaw na dadaklot sa kanila habang sila ay nag-aalitan.
50Kaya hindi sila makakakaya ng isang pagtatagubilin, ni tungo sa mag-anak nila ay babalik sila.
51Iihip sa tambuli kaya biglang sila mula sa mga puntod patungo sa Panginoon nila ay magmamatulin.
52Magsasabi sila: “O kapighatian sa amin! Sino ang bumuhay na muli sa atin mula sa tulugan natin?” [Sasagutin sila:] “Ito ay ang ipinangako ng Pinakamaawain at nagpakatapat ang mga isinugo.”
53Walang iba ito kundi nag-iisang hiyaw saka biglang sila ay isang katipunan, na sa harap Namin mga padadaluhin [para sa pagtutuos].
54Kaya sa araw na ito walang lalabagin sa katarungan na isang kaluluwa sa anuman at hindi kayo gagantihan malibang ayon sa dati ninyong ginagawa.
55Tunay na ang mga maninirahan sa Paraiso, sa Araw na iyon, ay nasa pagkaabala, na mga nagpapasarap.
56Sila at ang mga asawa nila sa isang lilim ay sa mga supa mga nakasandal.
57Magkakaroon sila roon ng bungang-kahoy at magkakaroon sila ng anumang ipananawagan nila.
58“Kapayapaan,” bilang sabi mula sa isang Panginoong Maawain.
59[Sasabihin:] “Mabukod kayo [sa mga mananampalataya] ngayong araw, O mga salarin.
60Hindi ba nag-atas Ako sa inyo, O mga anak ni Adan, na huwag kayong sumamba sa demonyo – tunay na siya para sa inyo ay isang kaaway na malinaw –
61at na sumamba kayo sa Akin? Ito ay isang landasing tuwid.
62Talaga ngang nagligaw siya, [si Satanas,] mula sa inyo ng kinapal na marami. Kaya hindi ba nangyaring kayo ay nakapag-uunawa?
63Ito ay Impiyerno na kayo dati ay pinangangakuan.
64Masunog kayo rito ngayong araw dahil kayo dati ay tumatangging sumampalataya.”
65Sa Araw na iyon, magpipinid Kami sa mga bibig nila at magsasalita sa Amin ang mga kamay nila at sasaksi ang mga paa nila hinggil sa dati nilang kinakamit [na kasalanan].
66Kung sakaling niloloob Namin ay talaga sanang pumawi Kami sa mga mata nila saka mag-uunahan sila sa landasin ngunit paano silang makakikita [sa kalagayan ng pagkabulag]?
67Kung sakaling niloloob Namin ay talaga sanang nagpabagong-anyo Kami sa kanila [sa paglumpo sa kanila] sa kinaroroonan nila kaya hindi sila makakakaya ng isang paglisan at hindi sila babalik.
68Ang sinumang pinatatanda Namin ay magbabaliktad Kami sa kanya sa pagkakalikha [tungo sa kahinaan matapos ng kalakasan]. Kaya hindi ba sila nakapag-uunawa?
69Hindi Kami nagturo sa kanya ng tula at hindi iyon nararapat para sa kanya. Walang iba ito kundi isang paalaala at isang Qur’ān na malinaw
70upang magbabala sa sinumang siya ay buhay at [upang] magindapat ang hatol sa mga tagatangging sumampalataya.
71Hindi ba sila nakaalam na Kami ay lumikha para sa kanila mula sa ginawa ng mga kamay Namin na mga hayupan kaya sila sa mga ito ay mga tagapagmay-ari?
72Nagpaamo Kami sa mga ito para sa kanila kaya ilan sa mga ito ay mga sasakyan nila at ilan sa mga ito ay kinakain nila.
73Para sa kanila sa mga ito ay mga pakinabang at mga [gatas na] inumin. Kaya hindi ba sila magpapasalamat?
74Gumawa sila sa bukod pa kay Allāh bilang mga diyos, nang sa gayon sila ay iaadya.
75Hindi nakakakaya ang mga [diyus-diyusang] ito ng pag-aadya sa kanila[5] samantalang sila para sa mga ito ay mga hukbo na padadaluhin [sa Impiyerno].
76Kaya huwag magpalungkot sa iyo ang sabi nila; tunay na Kami ay nakaaalam sa anumang inililihim nila at anumang inihahayag nila.
77Hindi ba nakaalam ang tao na Kami ay lumikha sa kanya mula sa isang patak saka biglang siya ay isang kaalitang malinaw.
78Naglahad siya para sa Amin ng isang paghahalintulad at nakalimot siya sa pagkalikha sa kanya. Nagsabi siya: “Sino ang magbibigay-buhay sa mga buto samantalang ang mga ito ay bulok na?”
79Sabihin mo: “Magbibigay-buhay sa mga ito ang nagpaluwal sa mga ito sa unang pagkakataon; at Siya sa bawat nilikha ay Maalam.”
80[Siya] ang gumawa para sa inyo mula sa mga punong-kahoy na luntian ng isang apoy, saka biglang kayo mula sa mga ito ay nagpapaningas.
81Hindi ba ang lumikha ng mga langit at lupa ay nakakakayang lumikha ng tulad nila? Oo, at Siya ay ang Palalikha, ang Maalam.
82Tanging ang utos Niya, kapag nagnais Siya ng isang bagay, ay na magsabi rito: “Mangyari,” saka mangyayari ito.
83Kaya kaluwalhatian sa Kanya na nasa kamay Niya ang pagkahari sa bawat bagay, at tungo sa Kanya pababalikin kayo [para gantihan].