المرسلات
Those Sent Forth • 50 ayahs • Meccan
بِسْمِ ٱللَّهِ ٱلرَّحْمَٰنِ ٱلرَّحِيمِ
1Sumpa man sa mga [hanging] isinusugo nang sunud-sunod,
2saka sa mga [hanging] umuunos sa isang pag-unos;
3sumpa man sa mga [hanging] nagkakalat [ng ulan] sa isang pagkakalat,
4saka sa mga [anghel na] nagbubukod sa isang pagbubukod,
5saka sa mga [anghel na] naghahatid ng isang paalaala
6bilang pagdadahilan [sa tao] o bilang pagbabala [sa tao];
7tunay na ang ipinangangako sa inyo ay talagang magaganap.
8Kaya kapag ang mga bituin ay pinawi,
9kapag ang langit ay biniyak,
10kapag ang mga bundok ay pinalis,
11at kapag ang mga sugo ay tinaningan,
12para sa aling araw inantala sila?
13Para sa Araw ng Pagpapasya.
14Ano ang nagpabatid sa iyo kung ano ang Araw ng Pagpapasya?
15Kapighatian sa Araw na iyon ay ukol sa mga tagapagpasinungaling [sa inihatid ng mga sugo]!
16Hindi ba Kami nagpahamak sa mga sinauna?
17Pagkatapos nagpasunod Kami sa kanila ng mga huli.
18Gayon ang ginagawa Namin sa mga salarin.
19Kapighatian sa Araw na iyon ay ukol sa mga tagapagpasinungaling [sa banta ni Allāh]!
20Hindi ba Kami lumikha sa inyo mula sa likidong aba,
21saka naglagay Kami niyon sa isang pamamalagiang matibay [na sinapupunan]
22hanggang sa isang panahong nalalaman?
23Saka nagtakda Kami, saka kay inam ang Tagapagtakda![1]
24Kapighatian sa Araw na iyon ay ukol sa mga tagapagpasinungaling [sa kakayahan ni Allāh]!
25Hindi ba Kami gumawa sa lupa bilang ipunan
26ng mga buhay at ng mga patay?
27Naglagay Kami rito ng mga matatag na bundok na matatayog at nagpainom Kami sa inyo ng isang tubig tabang.
28Kapighatian sa Araw na iyon ay ukol sa mga tagapagpasinungaling [sa mga biyaya ni Allāh]!
29[Sasabihin]: “Humayo kayo tungo sa [pagdurusang] dati ninyong pinasisinungalingan.
30Humayo kayo tungo sa anino [ng usok] na may tatlong sangay,
31na hindi panlilim ni makapagpapakinabang laban sa liyab.”
32Tunay na ito ay nagtatapon ng mga alipato na gaya ng palasyo.
33Para bang ang mga ito ay mga itim na kamelyong naninilaw.
34Kapighatian sa Araw na iyon ay ukol sa mga tagapagpasinungaling [sa pagdurusang dulot ni Allāh]!
35Ito ay Araw na hindi sila bibigkas,
36at hindi magpapahintulot sa kanila para magdahi-dahilan sila.
37Kapighatian sa Araw na iyon ay ukol sa mga tagapagpasinungaling [sa mga ulat hinggil sa Araw na iyan]!
38Ito ay Araw ng Pagpapasya; magtitipon Kami sa inyo at sa mga sinauna.
39Kaya kung nagkaroon kayo ng isang panlalansi ay manlansi kayo sa Akin.
40Kapighatian sa Araw na iyon ay ukol sa mga tagapagpasinungaling [sa Araw ng Pagpapasya]!
41Tunay na ang mga tagapangilag magkasala ay nasa mga lilim at mga bukal [sa Paraiso],
42at mga prutas mula sa anumang ninanasa nila.
43[Sasabihin]: “Kumain kayo at uminom kayo nang kaiga-igaya dahil sa dati ninyo ginagawa [na maayos].”
44Tunay na Kami ay gayon gaganti sa mga tagagawa ng mabuti.
45Kapighatian sa Araw na iyon ay ukol sa mga tagapagpasinungaling [sa inihanda ni Allāh]!
46[Sasabihin]: “Kumain kayo at magpakatamasa kayo nang kaunti; tunay na kayo ay mga salarin.”
47Kapighatian sa Araw na iyon ay ukol sa mga tagapagpasinungaling [sa pagganti sa kanila]!
48Kapag sinabi sa kanila: “Yumukod kayo,” hindi sila yumuyukod.
49Kapighatian sa Araw na iyon ay ukol sa mga tagapagpasinungaling [sa inihatid ng mga sugo]!
50Kaya sa aling pag-uusap matapos [ng Qur’ān na] ito sasampalataya sila?